Friday, November 6, 2009

Nagugutom Ba Ang Patay?

Linggo noon, November 1, Araw ng mga Patay – Undas – panahon kung kalian dinadalaw ng mga buhay ang kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa sementeryo. Sa Manila North Cemetery ang direksyong aming tinatahak. Mainit, ang daming tao, at higit sa lahat, ang haba ng lalakarin. Nakakapagod.

Hindi ko na maalala kung kailan ako huling pumunta ng sementeryo sa Undas. Ito ang isa sa mga bagay na hindi ko palaging ginagawa. Basta ang tumatakbo lang sa isip ko ay gaano kaya katagal kami doon.

Puro cremated na ang mga patay sa pupuntahan naming libingan. Ibang-iba na ang itsura ng mga libingan kumpara sa nakasanayan na. At kung dati ang uso sa mga bata ay ang paggawa ng bola ng candle wax mula sa mga naupos nang kandila sa ibabaw ng nitso, ngayon iba na. Hindi na din pwedeng magpatawid-tawid sa mga nitso tulad ng dati. High-tech na ang mga libangan. May psp, cellphone, mp3, etc.

Pagdating doon, naupo kami ng ate ko sa tapat ng nitso ng aking namayapang lolo at tita. Biruin mo nga naman ang tadhana, kung sino ang hindi magkasundo dati noong buhay pa sila, sila din ang makakasama sa iisang libingan. Kapag cremated ang patay nyo, pwedeng apat na labi ang magsama sa isang libingan. Kaya ayun, magka-roommate sila lolo at tita.

Ilang saglit lang at dumating ang tito ko kasama ang mga pinsan ko. May dala silang digicam, so ang ibig sabihin kodakan time na. Oras na ng camwhoring, isang katangiang likas sa bawat Filipino.

Matapos nun ay nagkwentuhan galore kami at nagkamustahan tungkol sa buhay ng isa’t isa. Nagku-kwentuhan kami ng pinsan ko at ate ko nang may nahulog na plastic mula sa itaas. Hindi siya hulog ng langit kundi hinulog ng mga taong makalat. Hanggang fourth floor kasi libingan doon, napatapat pa kami ng upo sa balcony ng mga higher floors na may mga taong walang pakundangang nagtatapon ng kung anu-ano.

Pagkalipas ng ilang oras, umalis na ang tito ko at mga pinsan ko para pumunta sa kabilang sementeryo dahil may namayapa din silang kamag-anak doon. Pagkatapos naman noon ay dumating ang isa kong tita kasama ang dalawa kong pinsan. Kwentuhan ulet kami at syempre, dun pa rin kami nakaupo sa tapat ng balcony. No choice, dun lang pwede maupo *sigh*. Kaso mas nakakainis na ngayon, hindi na plastic ang nahulog. Tubig na ang biglang bumagsak mula sa itaas. Bigla tuloy kaming napatayo ng di oras.

Maya-maya pa, eh parang nag-break muna sila sa pagkakalat at pang-iinis sa amin. Tumigil ang pag-ulan ng basura. Konting punas muna sa semento at umupo ulet kami. Yung isa kong pinsan tumayo na lang, na-trauma ata.

Habang nakaupo, walang magawa, tinititigan ko ang mga kapit-bahay na puntod ng lolo’t tita ko nang may umagaw ng atensyon ko. Hindi lang isa, madami sila.

Magsimula tayo kay Oria. Yan ang isa sa mga pangalang naka-ukit sa isa sa mga puntod doon. Kakaiba ang kanyang pangalan. Saan naman kaya nakuha ng mga magulang niya yun?

Malapit sa kanya ay si Purificacion. Siguro, gusting-gusto ng mga magulang niyang siya ay maging “pure.” Ka-rhyme niya yung pangalan sa kabilang dako, si Expectacion na unique din ang pangalan.

Tapos, sa may baba ni Purificacion, nandun naman si Placida. Sa palagay ko sobrang ninanais ng magulang niya na magkaroon ng anak na Placido, kaso naging babae siya, kaya Placida na lang.

Pero ang pinakamalupit sa lahat ay ang katabi ni Carmen, si Carmenchu. Tunog pa lang, agaw-atensyon na. Malamang wala pang pokemon noong panahon nila, pero parang pokemon lang ang pangalan nila ni Carmen. Ang evolved form ni Carmen ay si Carmenchu.

Napagtanto kong marami din palang makikita sa sementeryo maliban sa sandamakmak na tao at sadamukal na basura. Pero matapos ng lahat ng iyon, ang tanong ay bakit kailangan bigyan ng pagkain ang mga patay? Nagugutom ba sila?

0 comments: